Dating child actor na si Jiro Manio, inilabas na sa rehab kahit may dapat pang tapusing treatment

Mga imahe mula sa FacebookMga imahe mula sa Facebook

Inilabas na ng kanyang pamilya ang dating child star na si Jiro Manio mula sa rehabilitation center kung saan siya pinaalagaan ni Ai-Ai delas Alas, na tumayo bilang kanyang ina noong mga panahong lulong siya sa ipinagbabawal na gamot.

Ayon sa Pilipino Star Ngayon, nailabas na si Manio, noong Miyerkules. Ipinaalam naman ng tagapamahala ng rehabilitasyon kay Delas Alas ang desisyon ng pamilya  na ilabas ito.

Kung si Delas Alas umano ang masusunod, nais nito ang mamalagi na muna ang kanyang anak-anakan sa loob ng rehabilitasyon sapagkat bukod sa pagkalulong sa bawal na gamot, may iba pa raw itong problema.

Gayunman, sa kabila ng lahat, wala naman aniya siyang magagawa dahil hindi siya ang tunay na kadugo at wala siya sa posisyon upang kontrahin ang tunay na pamilya nito.

Ang dahilan naman ng pamilya ni Manio, puwede pa rin daw itong pumunta ng Japan kung kaya nagdesisyon silang ilabas na sa rehabilitation center ang aktor.

May dapat pang tapusin

Mayroon pa sanang kailangan tapusin si Manio sa rehabilitasyon — ang “aftercare program” — na siguro raw ay aabutin ng 18 buwan.

Ngunit kung matatapos at maging maayos ang performance ni Manio sa nabanggit na programa, maaari umano itong maging volunteer sa rehabilitasyon kung saan siya naroon at sa kalaunan ay maaari na rin itong magtrabaho doon bilang staff member.

Sa kabilang dako, sinabi ni Manio na kapag bumuti na ang kanyang kalagayan, nais niyang bumalik sa pag-aartista dahil aniya ito lang ang alam niyang trabaho.