David Lim Jr., may bodyguard; media hindi pinapayagang makalapit?

Image from InquirerImage from Inquirer

MAYNILA, Pilipinas – Kahit nakakulong na sa selda, mistulang gumagana pa rin ang impluwensiya ng pamilya ni David Lim Jr.; ang pangunahing suspek sa pamamaril sa nurse na si Ephraim Nuñal sa Cebu nitong Linggo.

Ayon sa ulat ng Inquirer, pitong lalaking sibilyan ang nakitang nakatambay at aali-aligid sa stockade ng Cebu Police Office kung saan kasalukuyang nakadetine si Lim habang naghihintay na makapagpiyansa.

Ang mga naturang lalaki umano ang pumipigil sa media at sa sinuman na makausap o makuhanan ng litrato si Lim.

Galit namang sumugod sa presinto si Senior Supt. Joel Doria, director ng CCPO, at pinagalitan ang dalawang pulis na naka-duty. Inutusan din umano ng opisyal na paalisin ang mga nasabing lalaki.

“Bawal ‘yan. Hindi puwedeng magbantay ang mga civilians sa jail,” ani Doria.

Paiimbestigahan na rin umano ang dalawang pulis kung bakit pumayag ang mga ito na magkaroon ng bodyguard na sibilyan ang nakakulong na suspek.

“An investigation has to be made. I don’t tolerate these kind of behaviors,” saad pa ng opisyal.

Bukod dito, inaakusahan din ng pagbibigay ng ‘special treatment’ ang mga naka-duty na pulis matapos nilang payagang makapasok ang ilang kaanak ni Lim para dumalaw pasado alas-7 Martes ng gabi, gayong ipinagbawal na ang mga reporter na makapasok dahil lampas na sa oras ng pagbisita umano.

Isa sa mga pulis umano ay inilipat na ng destino ni Doria matapos ang insidente.