David Lim Jr., nakalaya na matapos makapagpiyansa

Image from The Freeman

MAYNILA, Pilipinas – Pansamantala nang nakalaya si David Lim Jr., ang pangunahing suspek sa road rage sa Cebu, matapos makapaglagak ng piyansa ang kampo nito ngayong Huwebes, ika-23 ng Marso.

Mahigit dalawang araw ding nakulong si Lim simula nang sumuko ito noong Martes nang madaling araw matapos kumalat ang video ng kaniyang pamamaril sa nakaalitang nurse na si Ephraim Nuñal.

Umabot lang sa P144,000 ang piyansang binayad ng kampo ni Lim para sa dalawang kasong kinakaharap matapos ibaba ng korte ang kasong frustrated murder sa frustrated homicide na lamang.

Wala umanong nakitang sapat na ebidensiya si Assistant Prosecutor Ma. Theresa Casiño para sampahan ng kasong ‘frustrated murder’ si Lim.

Ganunpaman, nahaharap pa rin ang suspek sa kasong illegal possession of ammunition.

Ang dalawang release order ay pinirmahan nina Judge Ricky Jones Macabaya  ng RTC Branch 5 at Judge Alexander Acosta ng RTC Branch 9 bago sumapit ang alas-4 nang hapon.