De Lima binuweltahan si Napoles, tinawag na ‘pathological liar’ ang ‘pork barrel queen’

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Hindi pinalampas ni Senador Leila De Lima ang pag-aakusa sa kaniya ni Janet Lim-Napoles na diumano’y tinangka niyang huthutan ng pera noong kasagsagan ng ‘pork barrel scam’.

Matatandaang sinabi ni Napoles na isa si De Lima sa nagtangkang humingi sa kaniya ng pera kapalit ng hindi pag-imbestiga sa kasong illegal detention na isinampa noon ni Benhur Luy.

Subalit tinawag ni De Lima na sinungaling at isang ‘polluted source’ si Napoles na ang mga sinasabi ay hindi na dapat paniwalaan.

“Napoles has the propensity to lie, being the mastermind of the PDAF scam that funneled billions of public funds to the pockets of legislators and executive officials,” paliwanag ng senadora.

Ayon pa kay De Lima, noong minsan ay tinanong si Napoles kung sino ang mga mambabatas na sangkot sa PDAF scam, at sinabi umano ng negosyante na depende kung sino ang gusto nilang isangkot.

“That is when I knew that Napoles is a liar and will lie and say anything to save herself and keep the money she stole from the government,” patuloy ng nakakulong na senadora.

Napagtanto rin umano nila noon sa Department of Justice (DOJ), na dating pinamumunuan ni De Lima, na kailanman ay hindi puwedeng maging credible witness si Napoles dahil sa husay nitong maghabi ng mga kasinungalingan.

“I refused to be her handler because she is a criminal, convicted for kidnapping and charged with plunder, and because she is a pathological liar,” dagdag pa ni De Lima.

Kaya hindi na raw nakapagtataka ngayon na kung ano-ano na lamang ang sinasabi ni Napoles dahil lumalabas na sinusunod lamang nito ang kaniyang ‘handler’ ngayon lalo pa’t napangakuan ito ng kalayaan ng Office of the Solicitor General (SolGen) kamakailan lamang.