DH na Menor de Edad, Umaming Peke ang Pasaporte; Tumalon mula sa ika-6 Palapag ng Gusali sa Kuwait

Larawan mula sa PEBA, Inc. via Facebook pageLarawan mula sa PEBA, Inc. via Facebook page

“Kahirapan, ‘di sapat na pagkakakitaan at kawalan ng trabaho ang ilan sa mga pangunahing dahilan na nagtutulak sa mga Pilipino upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Ang iba ay nagtatagumpay, ngunit marami rin ang umuuwing luhaan o ‘di kaya’y wala nang buhay.”

Isang 17-anyos na domestic helper (DH) na umaming peke ang kanyang ginamit na pasaporte ang tumalon kamakailan mula sa ikaanim na palapag ng gusali ng kanyang tinutuluyan dahil sa diumano’y pagmamalupit ng kanyang amo sa Kuwait.

Ani Malaiha Omar, na kilala ng kanyang amo bilang ‘Rahima’ mula nang siya ay dumating sa Kuwait noong Agosto 2016, siya ay minamaltrato at hinahagupit ng kanyang amo gamit ang sinturon.

Saad ni Omar: “Kahit maliit na pagkakamali lamang, sinisigawan nila ako at hinahampas nila ang mukha ko. Alam ko kung paano sila magalit. Nang sinabi nila na tatawag sila ng pulis, labis akong natakot. Hindi ko alam ang aking gagawin kung kaya’t tumalon ako mula sa ika-anim na palapag.” 

Inamin ni Omar na nagnakaw siya ng 110 Kuwaiti Dinar mula sa kanyang amo, ayon sa ulat ng Kuwait Times.

Saad ni Omar: “Tinatanong ng amo kong lalaki kung nasaan ang nawawala niyang pantalon. Dahil sa labis na takot, sinabi ko na hindi ko alam, kahit na alam ko kung nasaan ito. Sobrang takot ko na sabihin sa kanya dahil ayoko nang mahagupit muli. Aksidente kong nasunog ang kanyang pantalon habang ito ay pinaplantsa ko. Dahil dito, tiningnan niya ang aparador ko at nakita niya ang nasirang pantalon at ang pera.”

Dagdag pa ni Omar, natatanggap niya ang kanyang buwanang sahod, ngunit simula nang mahuli siyang nagnakaw, wala na siyang day off at hindi maaaring lumabas ng bahay nang siya lamang mag-isa.

Si Omar ay nagtamo ng ilang injuries sa binti at mata. Ibinahagi niya ang kanyang kuwento habang nasa Mubarak Hospital. Aniya, siya ay mula sa Cotabato, sa village ni Datu Uddin Sinsuat.

Ani Omar, noong 2016 ay nagtrabaho siya sa isang local recruiter sa Pilipinas upang makakuha ng pekeng pasaporte na mayroong ibang pangalan at edad, ayon sa ulat ng GMA.

Ayon sa isang opisyal mula sa Embahada ng Pilipinas, si Omar ay 17-anyos. Patuloy din ang pagtiyak ng iba pang impormasyon na kanyang sinabi. Dagdag pa nito, hindi siya magsasampa ng mga reklamo sa kanyang mga amo dahil alam niyang kasalanan niya. Ngunit kinasuhan na si Omar ng mga pulis sa pagtangka nitong pagpatay sa kanyang sarili.

Ani Dr. Celirino ‘Chie’ Umandap, AKO-OFW chairperson, siya ay nakipag-ugnayan na sa opisina ng Pangulo, kay Justice Secretary Vitaliano Aguire at sa Blas Ople Policy Center tungkol sa kaso ni Omar.

Sinisi naman ni Umandap ang recruitment agency na pinanggalingan ni Omar. Aniya, ano nga ba ang magagawa ng isang batang babae sa ganitong mabigat na sitwasyon, at sinabi rin niya na ito ay ilegal.

“How do you expect a young girl of her age to handle such a stressful situation? I blamed the local recruitment agency that hired such a teenage girl. It is illegal,” ani  Umandap.

Giit ni Umandap, dapat masuspinde o pagbawalan ang ahensya at sumailalim ito sa imbestigasyon. Dagdag pa niya, 24 taong gulang ang allowable age ng domestic helper.

Kasalukuyan naman nasa Dubai si Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III upang tugunan ang ilan pang labor cases.