Drilon, Hinihikayat si Pacquiao na Hindi Kailangan ang Hiwalay na ‘Boxing Commission’; Pacquiao, Nanindigan

File photosFile photos

Hinihikayat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Senador Manny Pacquiao na makinig sa mga eksperto na nagsasabing hindi na kailangan ang isang hiwalay na Philippine Boxing Commission, habang naninindigan pa rin si Pacquiao na dapat isulong ang pagbuo nito.

Ani Drilon, kailangang pakinggan ni Pacquiao ang Games and Amusement Board (GAB). Aniya, mas magandang maidagdag na lamang ang pondo sa GAB kaysa bumuo pa ng panibagong commission. 

Dagdag pa ni Drilon, tulad ni Pacquiao, pinahahalagahan din ng GAB ang mga boksingero at iba pang atleta.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, umaasa si Drilon na pakikinggan ni Pacquiao ang mga eksperto ng GAB na matagal nang nasa serbisyo bago pa ito naging boxing champion.

Ipinaliwanag din ni Drilon na mawawalan ng silbi ang GAB kapag nabuo ang proposal ni Pacquiao na bumuo ng isang boxing commission, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Ipinahayag naman ni chair Abraham Kahlil Mitra, maaari namang magkaroon ng reporma upang mapalakas pa ang boxing sa bansa.

Sinabi pa ni Mitra, nakatalaga ang one-third ng kabuuang 150 miyembro ng GAB sa boxing.

Sa ngayon, tinitingnan na ni Drilon ang pagpapalakas ng GAB. Aniya, tutulungan din niyang protektahan ang lahat ng mga atletang Pilipino.

Sa inisyal na ulat ng RMN, iginiit ni Pacquiao ang pangangailangan ng bagong komisyon. Aniya, hindi niya maaatim ang kapabayaan ng GAB sa mga boksingero lalo pa’t dalawa na sa kaniyang mga kaibigan ang namatay sa boxing ring.

Ani Pacquiao, kawawa ang professional boxers dahil 20 lang sa 154 na kawani ng GAB ang nakatuon sa boxing.

Tiniyak din ni Pacquiao, ipaglalaban niya ang pagbuo ng boxing commission dahil alam niya ang kahirapan ng training at paghahanda sa laban bilang isang boksingero at atleta.

Loading...