Duterte, inakusahan si VP Robredo na nagmamadaling makuha ang pagkapresidente

Imahe mula sa isang video sa You Tube

Inakusahan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte si Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo na nagmamadali itong makuha ang pagkapresidente mula sa kanya. Sinabi ito ni Pangulong Duterte noong Linggo, Marso 19; isang linggo matapos niyang sabihing walang kinalaman si Robredo sa tangkang pagpapatanggal sa kanya sa puwesto.

“Mga kalaban ko, gusto ako… Si Leni apurado masyado maging President,” ani  Pangulong Duterte sa Filipino community sa Myanmar Linggo ng gabi, ayon sa ulat ng GMA News.

Ang pahayag ni Duterte ay matapos lumabas ang video ni Robredo na naglalantad sa mga pang-aabuso ng mga pulis.

Matatandaan na noong Biyernes ay inihayag ni Speaker Pantaleon Alvarez ang kanyang balak upang maghain ng “impeachment complaint” laban kay Robredo. Ito raw ay dahil sa mensahe ng isang video ni Robredo na ipinadala sa United Nations Commission on Narcotics Drugs. Sa naturang video ay inilahad ni Robredo ang “palit-ulo scheme.”

Ang “palit-ulo scheme” umano ay ang pagkuha sa mga kaanak ng drug personality kapag ito ay hindi matunton bilang kapalit.

Samantala, pinabulaanan naman ni Georgina Hernandez, spokesperson ni Robredo, noong Biyernes na wala umanong pagtataksil sa tiwala ng publiko na naganap. Sabi pa niya, pawang pagbabanta lamang ang kayang gawin ni Alvarez.

“We really think that such statements should not be taken seriously and these are really just empty threats in trying to mind condition the public,”ani Hernandez.

[Sa aming pananaw, ang mga pahayag nila ay hindi dapat seryosohin dahil pawang pagbabanta lang ang kanilang kayang gawin umang makundisyon ang utak ng publiko.]

Bago ibigay ng pangulo ang naturang akusasyon ay kanyang pinabulaanan na walang kinalaman si Robredo sa mga paninira sa kanya.

“Hindi ko sabihin kasali Leni. I don’t want to drag Leni,” sabi ni Pangulong Duterte noon.

Sa kanyang pahayag sa Myanmar, pinasaringan ni Pangulong Duterte ang kanyang mga kritikong sina Sen. Antonio Trillanes at Sen. Leila De Lima.  Si Delima ay kasalukuyang nakakulong dahil sa mga kasong isinampa sa kanya na may kinalaman sa droga.

Nang maupo si Pangulong Duterte sa puwesto, siya ay naglunsad ng giyera laban sa ipinagbabawal na gamot.