Facebook user, gustong ideklarang persona non grata ng Baguio City council dahil isinumpa nito ang siyudad

Image from Wazzup Pilipinas Image from Wazzup Pilipinas

Pinag-aaralan na ng konseho ng Baguio City kung pagbabawalang makatuntong sa siyudad ang isang Facebook user dahil sa negatibong komento nito sa social media.

Ayon sa Bombo Radyo, sinabi umano ni City Councilor Faustino Olowan na iimbitahin nila sa lokal na konseho ang netizen na kinilalang si Jose Jinky Obejas upang magpaliwanag tungkol sa kanyang binitiwang mga salita sa Facebook.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Obejas na “kung 7.5 degree ang temperatura sa Baguio sana magnitude 7.5 din ang dumating na lindol dyan.

Kumalat sa social media ang kanyang komento kaya nagreklamo ang mga Baguio netizens kay Mayor Mauricio Domogan at sa lokal na pulisya dahil tila may galit umano si Obejas sa siyudad.

Kinondena naman ni Mayor Domogan ang sinabi ni Obejas. Ang nakamamatay na lindol ay isang bagay raw na hindi dapat hinihiling ng kahit sino para sa kahit saang lugar.

Ang Facebook account ni Obejas ay deactivated na .