Gamot na pampabata natuklasan, posibleng mabili sa merkado sa taong 2020

Image capture of video by News

Ang gamot na may kakayahang baligtarin ang aging process o ang pagtanda ay susubukan na sa mga tao ngayong taon at posibleng mabili iyon sa merkado tatlong taon mula ngayon o sa taong 2020 kung magiging matagumpay ang human trial.

Ayon sa The West Australian, natuklasan ng mga Australian scientists na sina David Sinclair at Lindsay Wu na ang bitamina, na matatagpuan sa mga prutas at gulay gaya ng avocado at broccoli, na kung tawagin ay nicotinamide mononucleotide o NMN ay may abilidad na tumulong sa mga selula o cells upang kumpunihin ang nasirang DNA.

Napapabilis ang pagtanda kapag nalalantad ang tao sa radiation dahil nakokompromiso ang kakayahan ng mga selula na kumpunihin ang DNA. Kahit walang exposure sa radiation, ang abilidad ng mga selula na i-repair ang DNA ay lumiliit habang tumatanda.

Sa eksperimentong ginawa nina Sinclair at Wu, nilagyan nila ng NMN ang tubig na inumin ng mga daga na 20 months old o katumbas ng 60 hanggang 70-anyos na tao.

Matapos lang ang isang linggong eksperimento, natuklasan nila na ang mga selula ng mga matatandang daga ay wala nang pagkakaiba sa selula ng mga batang daga.

Nagpakita ng interes ang National Aeronautics and Space Administration sa natuklasan ng dalawa dahil sa potensiyal na magamit iyon sa planong pagpapadala ng astronauts sa Mars sa 2025.

Ilan sa mga panganib ng space travel ay ang mabilis na pagtanda sanhi ng cosmic radiation, pagpapahina ng isip at ang paglaki ng panganib na magkaroon ng kanser. Sa biyahe patungong Mars ay masisira ang 5 porsiyento ng selula ng mga astronauts. Inaasahang makatutulong ang NMN upang kumpunihin ang mga masisirang selula ng mga taong maglalakbay sa kalawakan.

Maaari ding makatulong ang NMN sa mga pasyente ng kanser na labanan ang side effects ng radiotherapy at chemotherapy.