Graduating student na may leukemia, idinaos ang pagtatapos sa loob ng ospital

Images from Heribert Rey Rendon Facebook postImages from Heribert Rey Rendon Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Hindi naging sagabal sa isang estudyante ang kaniyang karamdaman para magmartsa at tanggapin ang diploma kahit na nasa loob siya ng pagamutan.

Si Maria ‘Maya’ Julpha Villa ay nakatakdang magtapos ng kursong Bachelor of Science in Physical Education mula sa Rizal Technological University (RTU) sa Mandaluyong City. Ang kanilang graduation ceremony ay sa darating na Mayo pa sana.

Subalit sa kasamaang-palad, nadiskubreng mayroon siyang stage 4 acute mylogenous leukemia nitong Pebrero kaya kinakailangan niya kaagad magpagamot sa lalong madaling panahon. Sa kasalukuyan ay nasa isang ospital siya sa Cagayan De Oro City kapiling ang kaniyang pamilya.

Nitong Marso, nagpasiya ang pamunuan ng RTU na bigyan ng espesyal na graduation ceremony si ‘Maya’ sa loob ng pagamutan kung saan siya naka-confine.

Image from Heribert Rey Rendon Facebook post

Image from Heribert Rey Rendon Facebook post

Ito ay pinangunahan at dinaluhan ni RTU President Dr. Jesus Rodrigo Torres, Dean Reydora Flordeliza ng IPE, mga kaibigan at pamilya ni Maya at sa pakikipagtulungan ng mga staff at doktor ng ospital.

Naging madamdamin ang naturang seremoniya sapagkat naka-wheelchair si Maya habang tinatanggap niya ang kaniyang diploma. Nakasuot din siya ng toga at nag-iisa sa gitna habang nagbibigay ng talumpati ang mga opisyal ng eskuwelahan.

Si Maya ay isang champion sa arnis at gold medalist sa NAASCU, SCUAA at isa ring national player sa naturang sports, kaya siya ay naging iskolar ng eskuwelahan sa loob ng 4 na taon.

Ayon kay Dr. Jesus Rodrigo Torres, nais ng RTU na maiparamdama kay Maya at sa pamilya nito ang kasiyahan na makapagtapos ang estudyante na siya niyang pinangarap.