Grupo ng mga Vendor sa Maynila Sumugod sa MPD HQ; Mga “Kotong Cops” Inireklamo

Mga imahe mula sa Twitter account ng DZMM Teleradyo

Walang mang-aalipin kung walang paaalipin.

Sumugod ang grupo ng mga vendors sa Manila Police District (MPD) headquarters upang ireklamo ang mga umano’y nangongotong na pulis sa kanilang lugar, nitong Miyerkules.

Bilang patunay sa umano’y pangongotong ng mga pulis, bitbit ng United Vendors Alliance ang mga larawan ng aktwal na pang-aabuso sa kanila; ayon sa ulat ng ABS CBN.

Nagawa namang barikadahan ng MPD ang gate ng kanilang tanggapan sa United Nations Avenue laban sa mga nagrereklamong mga vendor.

Nasa P200 kada araw ang sapilitang kinukuha sa kanila ng mga “kotong cop”, ayon sa tinderong si John Dex Ditire.

Dagdag pa nito, hinuhuli sila ng mga miyembro ng MPD o kinukumpiska at sinisira ang kanilang mga paninda, sa tuwing tumatanggi silang magbayad.

Matapos makipag-dayalogo sa mga vendor, agad namang sinibak ni MPD Director, Chief Supt. Joel Coronel ang limang inirereklamong pulis.

Tumanggi munang pangalanan ni Coronel ang mga naturang pulis, ngunit kinumpirma niyang ang mga ito’y  mula sa MPD-Station 5 at may mga ranggong Senior Police Officer 3, Police Officer 3 at Police Officer 1.

Ang limang pulis na sinibak ay binigyan lamang ng 24 oras upang magreport sa MPD headquarters.

 

Source :

Twitter, ABS CBN