‘Habal-habal’ Driver, Magna Cum Laude sa kanyang pagtatapos sa Cebu City

Imahe mula sa Facebook ni Joyce DublinImahe mula sa Facebook ni Joyce Dublin

Disiplina ang susi sa tagumpay.”

Ito ang paniniwala ng isang ‘habal-habal’ driver na nagtapos ng magna cum laude sa Cebu Technological University-Daanbantayan Campus, sa kursong Bachelor of Secondary Education, Major in Mathematics.

Siya si Joyce Dublin, 30, at tubong Daanbantayan sa Cebu City.

Nagtapos siya bilang class valedictorian noong siya’y high school. Isinantabi niya muna ang planong pag-aaral sa kolehiyo dahil nais niyang matulungan ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng paghahanapbuhay.

Ang kaniyang ina ay nagtitinda ng tinapay ngunit hindi ito sapat upang tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at ang kanyang pag-aaral.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, si Dublin ay nagtrabaho bilang  stockroom checker sa isang supermarket sa loob ng limang taon.

Kailangan niyang tiisin na lumayo sa kaniyang pamilya  na nasa Daanbantayan, bago siya nagdesisyong bumalik sa kanilang bayan at nagtrabaho bilang habal-habal driver.

Masuwerteng may isa siyang pasahero na humanga sa kaniyang performance sa eskwelahan at inalok itong mag-aral.

Wala nang pagdadalawang-isip at agad nitong tinanggap ang alok na mag-aral sa nasabing unibersidad kung saan ay nakakuha siya ng scholarship.

Nagbunga ang kaniyang dedikasyon at pagmamahal sa pag-aaral at ngayong buwan ay nakatakda siyang magtapos bilang  magna cum laude.

Isang review center naman ang nag-alok ng full discount kay Dublin upang maisakatuparan niya ang kaniyang next goal; ang pagiging guro.

Ayon sa kaniyang mga propesor, si Dublin ay nagpakita ng passion for work noong siya’y nagpa-practice teaching at higit pa raw sa subject matter ang itinuturo nito.

Para kay Dublin ang suliranin sa buhay ay tulad ng isang math problem, kailangan ng pagsusumikap at buong paniniwala upang makuha ang tamang pormula sa tagumpay.