Ilang suspek sa pambubugbog at pagpatay sa OFW, tukoy na

Images from Cesar Apolinario/ GMA News

MAYNILA, Pilipinas – Tukoy na ng awtoridad ang ilan sa mga suspek sa pambubugbog at pagpatay kay Abigail Gino Basas sa labas ng isang bar sa Tomas Morato sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.

Sa ulat ng GMA News, kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang pangunahing suspek na si  Fritz Mohamed. Si Mohamed umano ang nasagi ni Basas noong papalabas na ang grupo ng huli at siyang unang humabol sa biktima.

Nakilala rin ang iba pang kasamahan ni Mohamed na sina Cyril Rada, Earl Grande at isang alias ‘Jammil’. Dalawang lalaki at apat na babae na pawang kasama sa nambugbog na grupo ang patuloy pa ngayong kinikilala ng mga imbestigador.

Ayon kay chief Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, director ng QCPD,  sina Mohamed at ang kaniyang kasamahan ay sasampahan ng kasong murder dahil sa pagkakapatay kay Basas at frustrated murder dahil sa pambubugbog sa kasamahan ng huli na si Lloyd Melvin Lizondra.

Dagdag pa ni Eleazar, simpleng sagian lang ang nangyari na nauwi sa malagim na trahedya dahil maaaring lasing umano ang mga suspek.

“Hindi natin masigurado kung sinadya bang banggain nung victim ‘yung suspect. But definitely, itong suspect, ang tingin niya, binangga siya,” paliwanag ng opisyal.

Nakita rin umano sa CCTV sa lugar na nagsumbong si Mohamed sa kaniyang mga kasamahan bago nila sinugod ang biktima habang patungo ang mga ito sa kanilang sasakyan.

Inilabas din ng QCPD ang larawan (sa itaas) ng mga suspek na kinunan sa loob ng bar bago mangyari ang insidente.