Inday Sara, inutos na repasuhin ang P39-billion project ng ama sa Davao City

Image from DWIZ

Ang multi-billion peso project na inaprubahan ni President Rodrigo Duterte noong mga huling araw niya bilang alkalde ng Davao City ay ipinasailalim sa isang review ng kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Sara Durterte-Carpio, anak ng Pangulo.

Ang P39-billion Davao Coastline Port Development Project na isang joint venture agreement sa pagitan ng Davao City at Mega Harbour Port Development, Inc. ng negosyanteng si Reghis Romero II ay napirmahan ng noon ay Mayor Rodrigo Duterte noong ika-21 ng Hunyo 2016.

Ayon sa ulat ng Inquirer, ipina-review ni Mayor Sara ang naturang proyekto sa National Economic and Development Authority at third parties.

Nais lamang umano ng alkalde na ang “legal opinion o due diligence review” ay maging bahagi ng records dahil ang nasabing proyekto ay hindi basta isang “thousand-peso project.”

Sa naunang ulat, nagkasundo ang Mega Harbour Port Development, Inc. at Mayor Sara sa ilang “amendments” sa joint venture agreement, tulad ng gawing mas malaki ang magiging bahagi ng siyudad sa reclaimed land at sasagutin ng kumpanya ang pagpapagawa ng access roads at coastal villages sa lugar ng proyekto.