Jake Cuenca, isinugod sa ospital matapos maaksidente sa bisikleta

Image from ABS-CBN NewsImage from ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas – Sugatan at dinala sa pagamutan ang aktor na si Jake Cuenca matapos maaksidente habang sakay ng kaniyang bisikleta nitong Martes ng umaga, ika-14 ng Marso.

Kuwento ng ama ng aktor na si Juanito Cuenca sa panayam ng DZMM, nag-eensayo umano ang kaniyang anak sa Mall of Asia (MOA) para sa Ironman nang maganap ang aksidente bandang alas-7 ng umaga.

“Biglang nagpreno ang isang malaking truck and he did not have time to break, so tinamaan niya ‘yung truck. Dumiretso siya sa ospital. Nasa emergency room siya, nasa trauma,” ayon kay Mr. Cuenca.

Nakuha pang tumawag ni Jake sa kaniyang driver na siyang nagsugod sa kaniya sa ospital.

Nagtamo ang aktor ng mga bali sa dalawang buto sa kamay at mga tahi sa kaniyang baba dahil sa pagkakabangga. Patuloy pa rin ang pagsusuri ng mga doktor para malaman kung ano pa ang posibleng nangyari kay Jake.

Nailabas na mula sa Medical City ang aktor subalit nakatakda itong bumalik sa Biyernes para sa kaukulang operasyon.

Katatapos lamang sumali ni Jake Cuenca sa Ironman 70.3 sa Subic nitong Linggo. Siya ay nakatakdang mapanood sa bagong Kapamilya teleserye na “Ikaw Lang ang Iibigin”  kung saan ginagampanan niya ang papel ng isang triathlete.

Loading...