Jinggoy sa pagkaka-aresto kay De Lima: “Bumalik siguro sa kaniya”

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Para kay dating Senador Jinggoy Estrada, maituturing na isang ‘karma’ ang pinagdadaanan ngayon ni Senador Leila De Lima na kasalukuyanng nakakulong din sa Camp Crame.

Si De Lima ang Department of Justice (DOJ) secretary noong kasagsagan ng kontrobersiya sa ‘pork barrel scam’ na puspusang kumilos para maipakulong sina Estrada, Ramon ‘Bong’ Revilla at Juan Ponce-Enrile.

Subalit ngayon ay halos magkakatabi na ang kulungan nina De Lima, Estrada at Revilla sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Estrada sa ginawang pre-trial hearing sa Sandiganbayan nitong Lunes, inilabas ng dating mambabataas ang kaniyang saloobin sa pagkakaaresto kay De Lima.

“Siguro na-experience niya ‘yun na na-experience namin noong araw na talagang siya mismo ang nagpupursige na halos siraan kami sa media siraan kami sa mata ng taong bayan,” ayon kay Estrada.

“Bumalik siguro sa kanya,” dagdag pa nito.

Hindi rin umano maituturing na isang political prisoner si De Lima dahil hindi nito naiintindihan ang kaniyang tunay na kalagayan.

Dati umano ay ganito rin ang ginawa sa kanila noon ng dating Justice secretary.

“Hindi ba niya kami hinarass noong araw? Araw-araw for her own personal gain to enhance her political ambition,” paliwanag pa nito.

Si De Lima ay nahaharap sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga habang sina Estrada at Revilla naman ay sinampahan ng kasong pandarambong (plunder) dahil umano sa pagbulsa sa kanilang Priority Development Assistance Fund(PDAF) noong sila’y nanunungkulan pa.