Kampo ni VP Robredo, itinanggi ang pagkakasangkot umano sa impeachment laban kay Duterte

Image from Leni Robredo's Facebook pageImage from Leni Robredo's Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Mariing pinabulaanan ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang paratang na sangkot umano siya sa tangkang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng impeachment na isinampa ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan.

Ayon sa tagapagsalita ng Office of the Vice President (OVP) na si Georgina Hernandez, alam umano ng maraming tao na hindi totoo ang mga paratang na ito.

“Alam naman po ni VP Leni at alam ng karamihan na wala itong katotoohanan,” ani Hernandez sa panayam sa “Unang Balita” ng GMA 7.

“Mismong si Magdalo Rep. Gary Alejano ang nagsabi na Magdalo group lang ang nasa likod ng impeachment complaint, at malinaw naman na sinasabi niya na walang kinalaman si VP Leni,” dagdag pa nito.

Nauna nang idinawit ni Speaker Pantaleon Alvarez ang pangalan ni Robredo sa impeachment complaint na isinampa ni Alejano nitong Miyerkules.

Wika ni Alvarez, meron daw ‘isang babae’ na nagmamadaling pumalit kay Pangulong Duterte at malaki ang posibilidad na sangkot ito sa ‘destabilzation plot’ laban sa presidente. Hindi na nagdalawang-isip pa si Alvarez na pangalanan si Robredo bilang ang ‘babae’ na tinutukoy niya.

“Ay maliwanag po na nakita po natin na kahit doon sa United Nations na nagpadala pa siya ng tape na sinasabi niya ‘yung mga reklamo sa Pilipinas daw,” sabi pa ni Alvarez sa isang hiwalay na panayam.

Loading...