Katawan ng German National na Pinatay ng mga Abu Sayyaf, Natagpuan na

Mga imahe mula sa video ng GMA via You Tube

Natagpuan na ang katawan ng German national na si Juergen Kantner sa  Indanan, Sulu nitong Sabado ng hapon; ayon kay Force Sulu Commanding Officer Col. Cirilito Sobejana.

Nagsasagawa ng operasyon ang mga sundalo sa area ng Sitio Talibang, Barangay Buanza dakong 5:45 n.h. nang matagpuan ang katawan ni Kantner, ayon sa ulat ng GMA.

Tinawagan ng mga awtoridad ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang mapreserba ang lugar, mangalap ng mga ebidensiya at magsagawa ng post mortem procedures.

Ang katawan ni Kantner ay dinala sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Hospital morgue upang  gawaan ng dokumentasyon bago ito i-transport.

Si Kantner, 70,  ay dinukot ng mga Abu Sayyaf  sa isang yate sa Rockall, sa southern Philippines noong  Nobyembre, 2016.

Kinumpirma ng pamahalaan at ng militar  ang execution kay Kantner noong Pebrero 27.

Humingi naman ng kapatawaran si Pangulong Rodrigo Duterte sa German community dahil nanindigan lamang ang pamahalaan sa “no ransom policy.”