Kauna-unahang fluorescent na palaka sa buong mundo, nadiskubre sa Argentina

Image by Julian Faivovich and Carlos Taboada Image by Julian Faivovich and Carlos Taboada

Nadiskubre ng mga siyentista ang kauna-unahang fluorescent frog o mailaw na palaka sa Argentina.

Ayon sa The Guardian, aksidente lang ang pagkakadiskubre ng mga siyentista mula sa Bernardino Rivadavia Natural Sciences Museum sa Buenos Aires habang pinag-aaralan nila ang mga pigments ng polka-dot tree frogs.

Sa ordinaryong ilaw, ang balat ng palaka ay malamlam na kulay brownish-green at may batik-batik na kulay pula, pero nang tinapatan ng ultraviolet light ay naging fluorescent green ang kulay ng balat ng palaka.

Ang pagkatuklas sa palakang fluorescent ay nagbukas ng posibilidad na ang ibang amphibians ay may kakayanan ding umilaw, lalo na umano iyong may translucent na balat gaya ng sa mga palaka.

Ang findings ng mga siyentista ay inilathala noong Lunes, ika-13 ng Marso, sa “Proceedings of the National Academy Sciences.

Ayon kay Julian Faivovich, isa sa grupo ng mga siyentista na nakadiskubre sa mailaw na palaka, nais niyang pag-aralan pa ang 250 pang tree frog species upang malaman kung fluorescent din sila.