Lacson: Report ng EJK ni Robredo sa UN, hindi ‘accurate’

Images from Lacson/ Robredo Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Para kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson’, mayroong ‘mali’ sa naging ulat ni Vice President Leni Robredo sa kontrobersiyal na video message na ipinadala ng huli sa United Nations (UN) kamakailan.

Partikular na tinukoy ni Lacson ang sinabi ni Robredo na ang lahat ng 7,000 na namatay sa ‘war on drugs’ ng kasalukuyang administrasyon ay biktima ng ‘extrajudicial killings’ o EJK ng mga kapulisan.

“Ang isa kong napansin agad doon hindi accurate, hindi totoo sa madaling sabi nga,” ani Lacson sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon kay Lacson, dapat umano itong itama ng kampo ni Robredo dahil 2,500 sa mga namatay ay dahil sa lehitimong operasyon ng mga pulis.

“Dapat siguraduhin mo na, kapag ikaw nagre-report sa isang international body na lalo pa nga at United Nations ito, huwag mo lahatin na ‘yung 7,000 mahigit as of July 2016 hanggang February ay napatay sa pamamagitan ng summary execution. Mali talaga yun,” paliwanag ng senador.

Wika pa ni Lacson, kuwestiyonable rin ang timing ng pag-release ng nasabing video dahil maaaring pagdudahan na bahagi nga ito ng plano para mapatalsik sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

“It is not advisable for her to convey that message in that video message to the United Nations kasi hindi maiaalis na mapag-iisipan siya na nakikihalo siya, ke-totoo o hindi, ‘yung destabilization na hinala na nga ng administrasyon,” dagdag pa ng mambabatas.

Samantala, iginiit naman ng kampo ni Robredo na hindi bahagi ng planong destabilisasyon sa gobyerno ang Pangalawang Pangulo at wala umano itong ambisyon na palitan sa Malakanyang si Duterte.

Bagkus, dagdag pa ng Office of the Vice President (OVP), nais lang umanong isiwalat ni Robredo ang katotohanan at hindi ito sapat na basehan para pag-isipan nang masama ang Bise Presidente.