Lalaki na dinukot sa QC noong isang linggo, hindi pa rin matagpuan ; mga suspek sakay ng van umano

Image from Help Us Find Renzo Facebook pageImage from Help Us Find Renzo Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Halos isang linggo nang nawawala ang isang lalaki sa Quezon City at humihingi na ng tulong kaniyang mga kaanak sa social media.

Dinukot umano ng mga armadong lalaki si Chito Lorenzo “Renzo” Lopez IV, 20 anyos, noong ika-14 ng Marso matapos nitong bumili ng gamot sa may IBP Road, Batasan Hills para sa kaniyang 2-taong gulang na anak na maysakit.

Ayon sa mga nakakita, puwersahan umanong ipinasok si Lopez sa isang puting van na walang plaka ng mga lalaking may dalang baril.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa 18-anyos na misis ng biktima na si Kate Olili, nagpaalam lang ang kaniyang asawa na lalabas ito sandali upang bumili ng gamot at sumilip sa basketball court bandang alas-10:30 ng gabi.

Maya-maya umano ay hangos na dumating ang isa niyang kaibigan para sabihing may dumampot sa kaniyang mister.

Image from Help Us Find Renzo Facebook page

Image from Help Us Find Renzo Facebook page

Wala rin daw makitang dahilan si Olili para dukutin ninuman ang kaniyang asawa.

Kasalukuyan umano itong naghahanap ng trabaho at madalas ay nasa bahay lang nila para mag-alaga ng kanilang anak.

Naisumbong naman sa kinauukulan ang pagdukot kay Lopez, subalit makalipas ang anim na araw ay wala pang makuhang impormasyon ang pulis tungkol sa kaso.

Humihingi na rin ng tulong ang pamilya ng biktima sa publiko para sa anumang impormasyon na makatutulong upang matagpuan ito.

Ang sinumang nakakita kay Lopez o kaya ay may impormasyon tungkol sa kaniyang kalagayan ay maaaring tumawag sa 09276441971 o kaya ay magpadala ng mensahe sa Facebook page na “Help us Find Renzo”.