Lalaki, nagtangkang magpuslit ng 1,000 piraso ng diamante sa kanyang sapatos

Man tries to smuggle diamonds inside shoes Image capture of video by LVC Maker

Isang lalaki ang nahuling nagtatangkang magpuslit ng mahigit 1,000 piraso ng mga diamante na itinago nito sa loob ng kanyang sapatos.

Ayon sa Channel News Asia, nahuli ng mga opisyal ng Customs sa Shenzen sa Guandong Province ng China ang smuggler nang dumaan ito sa Luohu port mula sa Hong Kong noong nakaraang linggo.

Salaysay ng isang customs official na kinilala lamang sa pangalang “Wang,” napansin umano nila ang kahinahinalang kilos ng suspek. Paminsan-minsan daw ay patingkayad ito kung lumakad at nang mahalata na minamasdan siya ng mga awtoridad ay bumabalik sa tamang posisyon ng paglalakad.

Ipinahubad umano ng mga opisyal ng customs ang sapatos ng suspek at tumambad sa kanila ang ilang supot ng mga kumikinang na diamante.

Ayon pa sa mga opisyal ng customs, hindi iyon ang unang insidente ng pagpupuslit ng mga diamante. Dumadalas na raw ang ganitong kaso dahil sa mataas na demand ng mga diamante sa China.