Lalaki, patay matapos kumain ng karne ng aso

Image form Petition Site Image form Petition Site

Isang lalaki sa South Cotabato ang namatay matapos kumain ng karne ng aso.

Ayon sa ulat ng Philstar, kinilala ang biktima na si Joan Jarloc, 40-anyos at naninirahan sa Barrio 1, Banga, South Cotabato. Isinalaysay umano ng asawa ni Jarloc na si Rowena na mahilig kumain ng karne ng aso ang kanyang kabiyak. Nakagat na rin umano ng aso ang kanyang mister 17 taon na ang nakalilipas.

Pinaniniwalaang may rabies ang asong kinain ni Jarloc.

Ayon kay Koronadal City Veterinarian na si Charlimagne Calo, kahit umano niluto na nang maigi ang karne ng asong may rabies ay hindi pa rin sigurado na ligtas na iyong kainin. Maaari umanong tinaman rin ng rabies si Jarloc matapos kainin ang aso.

Kuwento ni Rowena, bago binawian ng buhay ang mister ay napansin niyang nanlilisik ang mga mata nito at takot sa tubig at liwanag. Dinala nila ito sa  ospital para magamot pero namatay rin.

Inaalam pa ng awtoridad kung may iba pang kumain ng aso maliban kay Jarloc.