Lalaking nakitang nakabitin sa isang puno, posibleng nagpatiwakal umano

Image from ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas – Malaki ang posibilidad na nagpatiwakal ang lalaking kamakailan ay nakitang nakabitin sa isang puno ng mangga sa Lubao, Pampanga.

Nakilala ang suspek na si Joel Manacmul, 33-anyos. Nadiskubre ang kaniyang naagnas na bangkay na sa itaas ng puno noong ika-3 ng Marso sa Barangay San Francisco sa nasabing bayan.

Kuwento ng live-in partner ni Manacmul na si Donna, pinalayas niya umano ang lalaki matapos malamang matagal nang inaabuso ng  lalaki ang kaniyang 11-anyos na anak na babae simula pa noong Grade 4 ito.

“Sinadya niya ‘yan….kaya nga pinaalis ko para wala nang mangyari sa kanya…baka anuhin pa siya ng pamilya ko pero hindi kayang gawin ‘yan ng pamilya ko,” ayon kay Donna sa ulat ng ABS-CBN News.

Hindi naman isinasantabi ng kapulisan ang nasabing anggulo.

“Kung inakyat man ‘yan matutukod niya ‘yung kamay makakapalag at mahuhulog siya… nakonsensya ‘yan dahil nga ni-rape ‘yung anak,” paliwanag ni Police Superintendent Michael Masangkay.

Ganunpaman, hustiya pa rin ang sigaw ng mga kaanak ng lalaki.

Inaasahang lalabas ang resulta ng pagsusuri sa bangkay anumang araw nitong linggo upang matukoy kung nagpakamatay nga si Manacmul o kung mayroon mang foul play sa nangyari.