Ligtas na Paraan sa ‘cosmetic procedure’, Ipinayo ng Philippine Society for Cosmetic Surgery

File PhotoFile Photo

Ipinayo ng Philippine Society for Cosmetic Surgery, Inc. (PSCS) na mas mainam umano na iwasan ang tatlong magkakasabay na cosmestic surgery para sa kaligtasan ng pasyente at ng mga doktor.

Ani Dr. Rosario Ballecer, pangulo ng PSCS, hindi ipinagbabawal ang tatlong magkakasabay na surgeries ngunit hindi niya ito gagawin dahil sa mahabang oras na pagsasailalim sa general anesthesia ng pasyente.

Ayon sa ulat ng DZMM, itinuturing na major operation ang tatlong magkakasabay na surgery dahil tinatayang 11 oras ang kinakailan upang gawin ang lahat ng ito.

Kamakailan, napabalita ang pagkamatay ni Shiryl Saturnino, 29, habang isinasagawa ang liposuction, operasyon sa dibdib at puwit nina Dr. Jose Jovito Mendiola at Dr. Samuel Eric Yapchangco ng Icon Clinic.

Ani Dr. Ballecer, mahihirapan din ang pasyente na ingatan ang implants nito kung naging matagumpay ang nasabing operasyon.

Iginiit din ni Dr. Ballecer na walang problema kung gusto ng pasyente na sumailalim sa iba’t ibang cosmetic procedure.

“Wala naman silang (mga doktor) nilabag. Kung gusto ng pasyente na tatlong surgeries ang gawin at one time, walang problema doon,” paliwanag ni Dr. Ballecer.

Ngunit, ipinaliwanag ni Dr. Ballecer na pinakamaiging gawin ang ganitong klase ng mga operasyon sa isang ospital at kailangan na mayroong mga doktor na nakaantabay kasama ang isang anesthesiologist upang tiyakin ang tibok ng puso at paghinga ng pasyente.

Mainam din na magsagawa ng isang masusing pagsusuri sa pisikal na kalagayan ng pasyente at kung kinakailangan ay may kasama pang laboratory analysis.

Source :

ABS-CBN, Facebook