Mag-asawa patay sa pamamari sa loob ng kanilang bahay sa Cavite

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang mag-asawa sa Bacoor, Cavite matapos pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa loob mismo ng kanilang bahay nitong Lunes ng gabi.

Kinilala sa mga ulat ang biktima na sina Benhur Alab, 33 anyos, isang negosyante, at ang kaniyang maybahay na si Hanadie Tawanadato, 37 anyos.

Pinasok umano sa loob ng kanilang tahanan sa Manhattan Private Residences sa Barangay Habay ng nasabing lungsod ang mag-asawa ng dalawang lalaking nakasuot ng helmet bago pinagbabaril sa ulo na agad ikinamatay ng mga ito.

Matapos masigurong patay na ang mga biktima ay kaagad namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang ilang basyo ng bala mula sa hindi pa malamang kalibre ng baril.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya ang pangyayari upang malaman kung sino ang utak at ano ang motibo sa likod ng pamamaslang.