Mag-asawang Singaporean na ginutom ang Pinay na kasambahay sa loob ng 15 buwan, ikinulong

Image from The Straits Times

Sinentensiyahan noong Lunes, ika-27 ng Marso ng parusang pagkakakulong at pinatawan ng multa ang mag-asawang Singaporean matapos mapatunayang guilty sa salang panggugutom sa kasambahay nilang Pilipina.

Ayon sa Inquirer, umamin naman sa kanilang kasalanan ang mag-asawang sina Lim Choon Hong at Chong Sui Foon, kapwa 47-anyos. Ang lalaki ay sinentensiyahan ng pagkakakulong ng hanggang tatlong linggo at tatlong buwan na pagkabilanggo naman sa asawa niyang si Chong.

Pinatawan rin sila ng multa na nagkakahalaga ng $10,000 Singapore dollar o katumbas ng P359,000. Pansamantalang nakalalaya ang mag-asawa matapos magpiyansa.

Umapela naman ang prosekyusyon na ang pinakamataas na parusang pagkakakulong ng hanggang isang taon ang nararapat na sentensiya sa mag-asawa.

Ang biktimang si Thelma Oyasan Gawida ay nabawasan ng 20 kilo sa kanyang timbang, nalugas ang buhok at tumigil ang menstruation dahil sa kakarampot na pagkain ang ibinibigay sa kanya ng mga amo sa loob ng labinlimang buwan. Tumakas si Gawida at humingi ng tulong sa mga kababayan sa Singapore na nagresulta sa pagkakaaresto sa mag-asawa .

 

Source :

Inquirer, Balita