Mahigit 250 kalansay, nahukay sa isang ‘mass grave’ sa Mexico

Image by Felix Marquez/ AP

MAYNILA, Pilipinas – Mahigit sa 250 bilang ng kalansay at bungo ng tao ang nahukay ng mga awtoridad kamakailan sa Veracruz sa Mexico.

Pinaninwalaang ang mga kalansay na ito ay labi ng mga naging biktima at napatay ng mga drug cartel sa bansa sa mga nagdaang taon.

Ayon sa attorney general ng Veracruz na si Jorge Winckler, maaaring ito na ang pinakamalaking ‘mass grave’ na nahukay sa bansa sa loob ng ilang dekada.

 “For many years, the drug cartels disappeared people and the authorities were complacent,” ani Winckler.

Hindi sinabi ni Winckler kung kailan nadiskubre ang ‘mass grave’ subalit ang kauna-unahang hukay sa lugar ay natagpuan Agosto noong nakaraang taon sa tulong ng  Colectivo Solecito, isang grupo ng mga ina at asawa na may nawawalang anak o mister.

Sa panayam ng CNN kay Martha Gonzales, isang kasapi sa grupo na matagal nang hinahanap ang nawawalang anak na pulis simula pa noong 2013, sinabi nitong magkakaroon na rin ng katahimikan ang kaniyang pamilya matapos ang pagkakadiskubre sa hukay.

“They give us just the bones, but at least I can have them, I can keep it some place where it won’t be rained on, where I can put a flower on it,” ayon sa ginang. “And I can know that they are really there and resting.”

Sinabi naman ni Winckler na magsasagawa ng DNA test ang mga awtoridad upang matukoy ang mga buto base sa kanilang database ng mga nawawalang tao.

Hindi na bago ang mga ‘mass grave’ sa bansa subalit ito na marahil ang pinakamalaking natagpuan ng mga awtoridad.