Malahiganteng sanggol, ipinanganak sa China

Image capture of video by Daily Mail

Isang babae sa China ang nagluwal sa pamamagitan ng cesarean section ng isang napakalaking sanggol na lalaki na ang laki ay doble ng karaniwang baby.

Ayon sa ulat ng Metro, ang sanggol ay may timbang na 14.8 pounds o halos 7 kilos nang ipanganak. Tinawag ng ama nito ang bagong silang na anak na “Kang-Kang” na ang ibig sabihin sa wikang Intsik ay malusog.

Sa habang 58 cm, doble rin ang haba ni “Kang-Kang” kumpara sa mga pangkaraniwang sanggol na isinilang sa China.

Ang sobrang laki ng sanggol ay maaari umanong bunga ng kaugalian ng mga Intsik na pakainin nang marami ang babaeng nagbubuntis upang masigurong magiging malusog ang supling na iluluwal. Pero, hindi naman sang-ayon ang lokal na doktor na si Dr. Liu sa nasabing tradisyon dahil maaaring makaapekto raw sa panganganak ang labis na laki ng bata.

Hindi magkamayaw sa tuwa ang ama ni Kang-Kang na kinilala lamang sa apelyidong Wang dahil sa mga papuring natatanggap mula sa kanilang mga kaanak.