Malawakang tanggalan sa trabaho pinangangambahan dahil sa bagong panuntunan sa ‘endo’

Image from  Partido ManggagawaImage from Partido Manggagawa

MAYNILA, Pilipinas – Nagbabala ang isang grupo ng mga employer sa bansa na maaaring mauwi sa malawakang tanggalan ng trabaho ang bagong panuntunan sa ‘endo’ (end of contract) na nakatakdang ipatupad ng pamahalaan.

Sa panayam ng DZMM kay Ginoong Donald Dee, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines  (Ecop), maaaring marami ang maapektuhan dahil ititigil na ng mga kompanya ang pag-renew ng mga kontrata ng mga trabahador kada limang buwan.

“Ang impact niyan is immediate, dahil lahat ng kompanya ngayon, stop na ‘yung five months-five months,” paliwanag ni Dee. “Kami po ay hindi kumakanta ng aleluya.”

Karamihan umano sa maapektuhan nito ay ang maraming maliliit na kompanya na umuupa lamang sa labas ng mga trabahador para sa kanilang produksiyon tulad na lamang ng mga pagawaan ng furnitures.

“Madami po mawawalan ng trabaho. Kami po ay hindi nananakot, simple common sense,” ani Dee.

Ganunpaman, susundin muna nila umano ang utos ng gobyerno ayon sa pagkakaintindi nila dito bago sila hihingi ng paliwanag sa mga kinauukulan.

“We will really honor our commitment (that) workers must be given good jobs, permanent jobs must be given security of tenure, must be guaranteed all benefits,” dagdag pa ni Dee.

Nitong Huwebes, ipinalabas na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order (DO)  174, Series of 2017, na naglalayong ipatigil na ang paulit-ulit na pagtanggap ng mga empleyado sa ilalim ng kontrata na hindi lumalampas sa anim na buwan ayon sa nasasaad sa batas.

Loading...