Mangingisda sa Ilocos Sur, sinakmal ng malaking pating

Imahe mula sa Live Science

Isang mangingisda ang nagtamo ng sugat sa kanang hita matapos atakehin ng isang malaking pating sa karagatan ng Ilocos Sur.

Ayon sa ulat ng GMA, nangingisda sa laot ang 25-anyos na si Benan Reintegrado kasama ang ama nito nang maganap ang insidente. Kuwento ng biktima, nanghinayang raw siya nang mahulog ang isang isda na nahuli nila kaya lumusong siya sa tubig upang kunin iyon.

Pero nang pag-ahon niya sa tubig ay naramdaman niyang may kumagat sa kanyang kanang paa.

“Lumusong ako sa tubig nang may nahulog na isda, nasayangan kasi ako. Pag-ahon ko, may kumagat sa binti ko,” kuwento ni Reintegrado.

Agad raw niyang sinabi sa ama na nakagat siya kaya mabilis siyang isinampa sa bangka at isinugod sa ospital.

“‘Yung binti niya, dugo-dugo na, punit-punit din yung short pants niya. Halos apat na metro o 10 talampakan ang haba ng pating,” ayon sa ama ng biktima.

Alam raw ng mag-ama na maraming pating sa lugar na pinangingisdaan nila, pero sagana raw doon ang mga isda kaya patuloy silang bumabalik doon.

Narito ang ulat ng GMA: