Mas dapat unahin ang kurapsyon kaysa death penalty — Citizens watch group

Imahe mula sa Facebook group ng Citizen's Watch for Good Governance (CWGG)

CAGAYAN DE ORO, PILIPINAS — Mas dapat na unahin munang lutasin ang kurapsyon kaysa tutukan ang muling pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa, ito ang paniniwala ng isang grupo.

Ayon sa Bombo Radyo, naniniwala ang grupong Citizens Watch for Good Governance (CWGG) na ang dapat unahin ng pamahalaan ay ang mabigyan muna ng atensyon ang problema ng kurapsyon sa halip na muling ibalik ang death penalty sa bansa.

Ayon sa CWGG convernor na si Atty. Antonio Soriano, hindi siya kumbinsido sa naging desisyon ng gobyerno na sugpuin ang kriminalidad sa bansa sa pamamagitan ng death penalty. Aniya, hindi crime reduction ang death penalty; bagkus ay maituturing pa rin na nangungunang sanhi ng maraming krimen sa bansa.

May panganib din na humantong ang bansa sa kuwestyonableng sitwasyon sa United Nation sakaling tuluyan nang malabag ang kasunduang pinasok noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo taong 2006 kasama ang international community.

Parusang kamatayan

Naaprubahan na ang House Bill 4727 na magbabalik sa parusang kamatayan sa bansa. Sa botohan sa Mababang Kapulungan sa Kongreso, naipanalo ito ng 216 “yes” votes laban sa 54 “no” votes at may isa umanong abstention.

“With an affirmative votes of 216, negative votes of 54 and abstention one, House Bill number 4727 is approved in third reading,” ani House presiding speaker Eric Singson.

Kasama sa mga bomoto ng “no” ang dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo, ang dating first lady at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos, at si Batangas Rep. Vilma Santos.

Agaw-atensyon noon ang palakpakan sa gallery ng session hall ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Pinalakpakan ang mga kongresistang mas pinili ang bomoto ng “no” sa nabanggit na panukala ngunit agad naman itong sinita ni Singson. Aniya, bawal ang mag-ingay.

Samantala, siniguro naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kanyang paninindigan ang kanyang sinabing sisibakin sa posisyon sa Kamara ang sasalungat sa pagbabalik ng parusang kamatayan at una umano sa listahan si Rep. Arroyo.