Mas malaking plate number ng motorsiklo, ipinanukala para mabawasan mga riding-in-tandem crimes

Image capture of video by AeroCam Media

Ipinanukala ni Senador Richard Gordon na gawing mas malaki ang plate number ng mga motorsiklo upang mabawasan umano ang mga krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1128 o ang Motorcycle Crime Prevention Act of 2017, nais ni Senador Gordon  na mag-isyu ang Land Transportation Office ng mas malaki at reflectorized plate number para sa mga motorsiklo at scooter.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi umano ni Gordon na marami nang krimen ang nagawa ng mga  riding-in-tandem suspects pero walang makapag-identify ng kanilang plate number dahil masyado iyong maliit at halos hindi makita.

“Ito ang dahilan kung bakit maraming riding-in-tandem crimes. Malakas ang loob ng mga kriminal dahil alam nilang madali silang makatakas. Gawin nating mas malaki ang plate number para madali silang mabasa,” anang senador.

Sa kanyang panukala, ang plate number ay dapat mabasa sa layong 12 hanggang 15 metro. Kailangang nakalagay iyon sa harap at likuran ng motorsiklo. Suhestiyon rin ni Gordon na magkaroon ng color coding ang mga plate number para sa lahat ng rehiyon ng bansa upang mabilis matukoy kung saan nakarehistro ang motorsiklo.