May closure na! Rocco, nakausap hanggang umaga ang ‘greatest heartache’ niyang si Lovi

Imahe mula sa FacebookImahe mula sa Facebook

Naging maluwag na sa damdamin ng aktor na si Rocco Nacino ang naging hiwalayan nila ng aktres na si Lovi Poe matapos niyang makausap hanggang mag-umaga ang itinuturing niyang greatest heartache.

Ayon sa Abante, mag-iisang taon na rin mula noong naghiwalay sina Nacino at Poe ngunit ang closure nila ay nakuha lamang nila noong nagkita-kita ang kanilang barkada na nabuo sa Beautiful Strangers. Nag-set umano ng isang dinner sa Stockpile, na ang isa sa may-ari ay si Gabby Eigenmann, ang magkakaibigan.

Hindi raw alam ni Nacino na naroon si Poe. Gayunman, kahit hindi niya pinaghandaan ang kanilang pagkikita, ay minabuti na rin niyang kausapin ang dati niyang nobya.

“Nakita ko ang opportunity na mapag-usapan namin. Nag-usap na kami. Umabot kami ng hanggang alas-kuwatro ng umaga. Pinag-usapan namin ang buong relationship, what went wrong. Nagkamustahan din kami. It was very mature ang usapan. After no’n, ang gaan. Ang gaan ng pakiramdam. Gano’n pala ‘yon,” wika ni Nacino.

Dahil sa nasabing pag-uusap, ibang-iba ang aura ni Nacino — napakapositibo umano kumpara sa mga nagdaang buwan.

Hiwalayang Rocco-Lovi

Sa simula ng kanilang hiwalayan, hindi man diretsahang sinabi ni Nacino, ay lumalabas na kay Poe nagsimula ang pagtatapos ng kanilang relasyon — na ikinagulat naman ng aktres.

Aniya, nakapag-usap naman umano sila, nais lang daw nito na marami pang matuklasan sa kanyang sarili at ayaw niyang maging unfair  lalo na  sa dating nobyo.

Hangad niya rin umano ang magkaroon ng maraming oras sa kanyang sarili na marahil ay dumadaan sa quarter-life crisis.

Marami ang nagsasabing mas madaling nakapag-move on si Poe na kasalukuyan nang iniuugnay sa French guy na si Chris Johnson.

Gayunman, galing mismo sa aktor, kapwa na sila nakausad lalo na ngayong nagkaroon na sila, sa wakas, ng maayos na closure.

Source :

Abante, PEP, GMA News Online