Mga alagang aso nilason para mapagnakawan ang isang bahay sa CDO

Images from Meriah Belle Maagad Facebook posts
Image from Meriah Belle Maagad Facebook post
Image from Meriah Belle Maagad
Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Nagdadalamhati ang isang netizen matapos matagpuang patay ang kaniyang apat na alagang aso at pinagnakawan pa ang kanilang bahay nitong Lunes.

Ayon sa kuwentong ibinahagi ni Meriah Belle Maagad sa kaniyang Facebook, nagulat siya nang madatnan ang mga alaga na nakahandusay, wala nang buhay at bumubula ang mga bibig.

Sa simula umano ay inakala niyang siya ang may kasalanan dahil marahil ay may naipakain siyang hindi maganda sa mga alagang hayop.

Subalit nang pumasok na siya sa bahay ay doon niya nakita na basag ang salamin ng kanilang bintana. Nagkalat din ang kanilang mga gamit sa kuwarto; palatandaan na ito ay hinalughog ng mga magnanakaw.

Nawawala umano ang mga alahas ng kaniyang mga magulang at ilang gamit sa bahay.

Mga alagang aso nilason para mapagnakawan ang isang bahay sa CDO
Image from Meriah Belle Maagad Facebook posts

May natagpuan ding karne ng manok na binudburan ng kulay asul na pulbos sa tabi ng mga aso. Pinaniniwalaang ito ang ginamit ng mga magnanakaw para lasunin ang mga hayop.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Police Senior Inspector Ian Datiles, hepe ng Bulua Police Station 7, kinumpirma nito na gumamit ng hagdanan ang mga kriminal para makaakyat sa pangalawang palapag ng bahay.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang kaso para mahuli ang mga nasa likod ng pagnanakaw at paglason sa mga aso.