Mga Hito na Nakawala sa Palaisdaan, Pinagpiyestahan

Larawan mula sa public domainLarawan mula sa public domain

“Ang kasiyahan nga ba minsan ay kasawian ang dulot sa iba?”

Pinagpiyestahan ng ilang mga residente sa Barangay San Isidro, General Santos City ang mga hito sa irrigation canal at sa mga palayan matapos umapaw ang palaisdaan ng may-ari.

Bawat residente ay may kanya-kanyang diskarte sa paghuli ng mga hito, ayon sa ulat ng ABS-CBN.

Lumangoy sa irrigation canal si Bobot Tamayo upang makahuli ng hito, at sa bawat paghagis niya ng kanyang lambat ay may nakukuha siyang mga hito.

“Dahil umapaw ang kanilang fishpond, may pang-ulam ang mga walang fishpond,” ani Tamayo.

Namingwit si Anthony Lintang sa irrigation canal upang makahuli ng mga hito. Aniya, wala siyang trabaho kaya malaki ang naitulong sa kaniya ng mga isda at ang ilan sa kanyang mga nahuli ay naibente pa niya.

“May nagbili sa akin kanina na P150. Pambili na rin ng bigas,” ani Lintang.

Sa kabila ng kasiyahan ng ilang mga residente, nanlumo si Rejina dela Cruz, may-ari ng palaisdaan. Aniya, halos P500,000 ang nawala sa kaniya dahil sa pag-apaw ng kanyang palaisdaan dulot ng tubig-baha.

“Ang laki ng nalugi sa amin. Umapaw talaga ang tubig. Kanina nga dito, parang nagpiyesta ang mga tao. Tone-tonelada talaga ang nawala, pero wala tayong magagawa, kalikasan naman ang may gawa nito,” saad ni Dela Cruz.

Sa kabila ng kasawian ni Dela Cruz, sinabi niya na mag-aalaga na lamang siya muli ng mga hito at maglalagay ng net sa palaisdaan upang hindi na muling mangyari ang insidente.

Source :

ABS-CBN