Mga pulis na pumatay kay Mayor Espinosa hawak na ng CIDG matapos silbihan ng warrant of arrest

Image capture of video by PTV

Ang lahat ng mga pulis na sangkot sa pagpaslang kay Albuera mayor Rolando Espinosa Sr. ay hawak na ng Criminal Investigation and Detection unit Region 8 (CIDG-8) matapos silbihan ng warrant of arrest, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Ronald De la Rosa.

“Lumabas na ang kanilang warrant of arrest for murder. Na-serve na ngayon doon sa CIDG ng Region 8,” sabi ni PNP Chief Dela Rosa sa mga mamamahayag.

Kumpleto at “all accounted for” ang 20 pulis na suspek sa pagpatay sa alkalde sa loob mismo ng kanyang piitan sa Baybay District Jail noong nakaraang taon, dagdag pa ng PNP Chief.

Ayon sa Bombo Radyo, inisyu ang warrant of arrest ilang araw lang matapos ilabas ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinangunahan ni Senator Panfilo Lacson ang rekomendasyon kaugnay ng findings sa isinagawa nilang pagdinig sa kaso ng pagpatay sa alkalde.

Ani Lacson, ang ginawa ng grupo ni Marcos ay upang pagtakpan ang mga bakas ng pagkakasangkot ng ilang mga pulis ng CIDG-8 sa kalakalan ng ilegal na droga na pinatatakbo ni Kerwin Espinosa, anak ng pinaslang na alkalde.