Mga pumatay kay Mayor Espinosa, hindi sapat na masibak lang sa puwesto, dapat isalang sa silya elektrika — Espenido

Image from Asian Correspondent

Hindi kuntento ang dating Albuera Police Station Commander na ngayon ay Ozamis City Police chief na si C/Insp Jovie Espenido sa rekomendasyon ng Senado na sibakin sa puwesto ang mga pulis na pumatay kay Mayor Rolando Espinosa, Sr.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, sinabi umano ni Espenido na dapat ay isalang sa silya elektrika ang mga miyembro ng grupo ni Criminal Investigation and Detection Group Region 8 regional director P/Supt. Marvin Marcos.

Hindi na dapat ginalaw sa piitan si Espinosa dahil nakikipagtulungan na ito sa pamahalaan, sabi ni Espenido. May kinatatakutan umano sina Marcos at ilang politiko kaya pinatay nila ang alkalde sa loob mismo ng kulungan.

Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, tagapangulo ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na nagsagawa ng pagdinig sa kaso sa pagpatay sa mayor, si Mayor Espinosa ay hindi nanlaban tulad ng sinasabi ng grupo ni Marcos kundi sadyang pinatay.