Mga suspek sa pagdukot ng negosyante arestado, isang barangay captain kasabwat

Image capture of video by Sun Star Image capture of video by Sun Star

Iprinisinta ni Philippine National Police chief Ronald De la Rosa sa Camp Crame Lunes, ika-13 ng Marso, ang limang suspek sa pagdukot sa isang negosyante sa Camarines Sur.

Dinukot ng mga suspek ang biktimang si Francis Leo Maulion noon pang ika-2 ng Nobyembre ng nakalipas na taon. Humingi umano sa pamilya ng biktima ng P1.4 milyon na ransom ang mga suspek na kinilalang sina Jefferson Cuachin, Prudencio Ruiz, Joven Ortiz, Cesar Garcia at Gerry Mancera — barangay captain ng Barangay Maninila sa Camalig, Albay.

Ang biktima ay nasagip ng mga awtoridad sa isang bahay na katabi ng bahay ni Mancera.

Unang nadakip si Ortiz nang maganap ang bayaran ng ransom noong ika-6 ng Marso sa Banga Caves sa Ragay, Camarines Sur. Naaresto ang iba pang suspek sa follow-up operation.

Ayon sa Bombo Radyo, hindi agad isinapubliko ng pulisya ang pangyayari upang hindi umano madiskaril ang operasyon laban sa mga kidnappers.

Todo-tanggi naman ang kapitan sa paratang sa kanya, pero malakas ang hinala ang mga pulis na sangkot siya sa pagdukot dahil sa isang insidente.

Nasaksak umano ng biktima ang isa sa mga kidnappers na may hawak sa kanya. Agad  raw na ipinadala sa ospital ni Kapitan Mancera ang nasugatang suspek habang ang negosyante ay pinabantayan pa sa isang barangay tanod.

Patuloy pa rin ang gingawang operasyon laban sa iba pang miyembro ng mga kidnappers.

 

Loading...