Mga suspek sa pambubugbog kay Gino Basas, kakasuhan na ng murder

Image capture of video by ABS-CBN News via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Sasampahan na ng kasong murder ang limang estudyanteng lalaki na nambugbog sa overseas Filipino worker (OFW) na si Abigail Gino Basas sa labas ng isang bar sa Tomas Morato, Quezon City kamakailan.

Ito ay matapos mabigong sumuko ang pangunahing suspek na si Mohammad “Pits” Marzan Piti-Ilan (dating naiulat na Fritz Mohamad) at ang kaniyang apat na kasamahan na sina Jameel Haron Benito  Angelo Mark Morata,  Cyril Angelo Rada at Earl Brian Grande.

“Mas maganda pong lumutang na sila bago po kami makapag-file ng kaso at ma-assess po namin iyung kanilang statement; kung ito ba ay makakatulong, magagamit natin o makakatulong sa kanila para mapagaan ang kasong ifa-file sa kanila,” ayon sa panayam ng DZMM kay Quezon City Police District (QCPD) chief Senior Superintendent Guillermo Eleazar.

Si Piti-Ilan ang itinuturong nakabangga ni Basas sa loob ng Perfect Spot Bar and Billiards sa Dr. Lazcano Street at siya umanong nagsumbong sa mga kasamahan nito bago hinabol ng grupo ang biktima sa parking lot.

Pawang mga graduating student umano ang mga naturang suspek, ayon sa QCPD na nakatakdang magsampa ng kaso anumang oras.

“Kung sila po ay magtatago, we are constrained to file a murder case para makasama po sila,” paliwanag ni Eleazar.

Matatandaang nauna nang lumabas ang limang babaeng estudyante na kasama sa grupo ng mga nambugbog at isiniwalat ang kanilang nalalaman sa pangyayari.

Subalit hindi umano sumali ang limang babae sa pambubugbog sa biktima kaya posible silang gamitin bilang state witness.

Ayon pa kay Eleazar, may ilan ding kalalakihan na sumali sa pambubugbog na hindi kasama sa grupo nina Piti-Ilan. Ito umano ang isa sa tinututukan ng kanilang imbestigasyon.