Mga Trabahong sa Ibang Bansa na Ligtas at Walang ‘Placement Fee’, Ibinahagi ng POEA

Public DomainPublic Domain

Kamakailan, ibinahagi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga ligtas at walang placement fee na trabaho na maaaring pasukin sa ibang bansa.

Inilahad ni Joyce Sanchez, deputy administrator ng POEA ang pangangailangan ng ilang bansa sa mga manggagawang Pilipino sa ilalim ng “government-to-government hiring program”, ayon sa DZMM Teleradyo.

Ayon sa POEA, sa ilalim ng programa, nangangailangan ng 50 babaeng factory worker sa Taiwan, 600 na care workers at 150 na nurses sa Japan at 200 dental assistants sa Saudi Arabia.

Sinabi pa ni Sanchez na mas madali at ligtas ang pagkuha ng mga nasabing trabaho dahil mismong pamahalaan ng mga nasabing bansa ang katransaksyon dito.

“Ibig sabihin noong government-to-government, ang magkatransaksyon dito, gobyerno sa Saudi, gobyerno sa Taiwan, gobyerno sa Japan. Sila ‘yung meron tayong agreement,” paliwanag ni Sanchez.

Dagdag pa ni Sanchez, mas mababa umano ang perang kinakailangang gastusin ng mga nagnanais na mag-apply dahil walang placement fee.

“Wala itong placement fee kasi government to government. Pero of course, may gagastusin sila, ‘yung passport, kanilang mga medical, ‘yung mga documentary requirements at ‘yung processing (fee) na hindi naman napakalaki,” turan ni Sanchez.

Para sa mga interesadong mag-apply, i-check ang website ng POEA upang makapag-fill up ng application form at maaari na itong dalhin kasama ang ibang requirements sa POEA.

Sinabi rin ni Sanchez na maaari pa ring mag-apply sa mga placement agency, ngunit iginiit niya na kailangang mag-ingat at i-verify ang mga ahensya na ito.

“Itong agency, kailangan din naman na i-verify natin kung mayroong approved job order itong agency na nagre-recruit sa atin. Ito ay mache-check natin sa website ng POEA o puwedeng tumawag sa aming hotline,” saad ni Sanchez.

Sa iba pang impormasyon ay maaaring tumawag sa 24-hour hotline ng POEA sa 722-1144 at 722-1155.

Loading...