MMDA, planong pagbayarin ang mga pribadong motorista sa paggamit ng EDSA

Image from Philippine Premier

May bago na namang panukala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang maibsan ang grabeng pagsisikip ng trapiko sa EDSA — pagbayarin ang mga pribadong motoristang dadaan doon.

Ayon sa Malaya, sinabi ni MMDA general manager Tim Orbos na sisingilin nang mahal ang mga pribadong motorista na dadaan sa EDSA tuwing rush hour. Tinatawag na “congestion pricing” ang bagong planong pagpapaluwag ng trapiko – na tagumpay na ginagamit ng Singapore at London sa problema nila sa trapiko.

Ang naturang plano, ayon pa rin kay Orbos, ay upang mapigilan ang mga pribadong motorista na gamitin ang sasakyan nila sa pagdaan sa EDSA at maengganyong gamitin ang mga pampublikong sasakyan.

Seryoso umanong pinag-aaralan ng MMDA ang congestion pricing. Ang lahat ay maaaring dumaan sa EDSA, pero may mga oras na sisingilin nila ang mga pribadong motorista. Ang mga pampublikong sasakyan ay exempted sa pagbabayad.

Ang Singapore ay nagpahayag raw ng intensiyong tumulong sa MMDA sa pagpapatupad ng nasabing plano.