Motorista na nag-upload ng video ng Cebu road rage, humingi ng proteksiyon dahil sa pangambang siya’y balikan

Image from Mayor Tommy Osmena' Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Nangangamba ngayon para sa kaniyang sariling kaligtasan ang netizen na nagbahagi ng video ng road rage shooting sa Cebu City na kinasasangkutan ng mayamang negosyante na si David Lim Jr.

Si Lim ang itinuturong pangunahing suspek sa pamamaril kay Ephraim Nuñal, ang 33 anyos na nurse na kaniyang nakaalitan sa kalsada noon Linggo. Ang insidente ay nakuhanan ng video ng isa ring motorista na nagbahagi nito sa social media.

Ang nasabing suspek ay pamangkin daw ni Peter Lim na minsan ay ipinatawag sa Malakanyang ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Sa ulat ng Bombo Radyo, humingi na umano ng proteksiyon sa pulis ang nasabing motorista dahil sa takot na balikan din siya.

Kuwento ng nasabing motorista na nagpapatago ng kaniyang pangalan, nakabuntot umano siya sa kotse ni Nuñal bago ang pangyayari kaya nakunan niya ito ng video.

Tinanggal na rin niya umano sa kaniyang social media account ang nag-viral na post dahil sa takot.

Samantala, sinabi naman Cebu City Councilor Dave Tumulak na nakikipag-ugnayan na siya sa Police Regional Office-7 para mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang motorista.

Ayon sa pinakahuling ulat, sumuko na sa pulis nitong Martes ng madaling araw si Lim sa tulong ni presidential aide Christopher “Bong” Go.

Kasama ni Lim na pumunta sa PRO-7 ang kaniyang nanay, dalawang kamag-anak at ang abogado nito pasadao alas-2 ng umaga.