Nawawalang lolo, tinadtad ng saksak at itinapon sa harapan ng bahay ng umano’y kabit niya sa Malabon

Mga imahe mula sa Twitter ni Zhander Cayabyab at Philipina News Ngayon FB page.

Natagpuan ang katawan ng isang lolo sa harapan ng bahay ng isa sa kanyang mga umano’y kabit madaling araw ng Biyernes, Marso 24, 2017, sa siyudad ng Malabon.

Ayon sa ulat ng Tempo, ang biktima ay si Reynaldo “Boy” Bautista, 61, ng Barangay Muzon, Malabon. Siya umano ay pinaghahanap ng kanyang pamilya matapos niyang biglang mawala. Mahigit na apat na araw na umano siyang nawawala.

Dakong ala-5 ng umaga nang makita umano ng mga residente ang katawan ni Bautista sa Barangay Muzon, Malabon.

Ang katawan ng biktima ay ibinalot sa bughaw na plastik at packaging tape. Si Bautista, hinggil sa mga imbestigador, ay pinagsasaksak nang maraming beses.

Saad ni Malabon Police Chief John Chua, napag-alaman nila na si Bautista umano ay maraming babae. Nalaman din nilang ang katawan ng biktima ay itinapon sa harap ng bahay ng isa sa mga kilalang babae niya.

Batay sa isang artikulo ng Balita, ang babae umanong ‘yun ni Bautista ay may asawang OFW na nasa Saudi Arabia. Kilala umano ang naturang babae na maraming iba pang karelasyon.

Sabi ni Chua, matinding selos ang maaaring dahilan ng kamatayan ni Bautista. Ang pagsaksak umano nang ilang beses sa biktima ay isang maliwanag na indikasyon ng matinding galit.

Ang diumano’y babae raw ni Bautista ay dinala sa Malabon Police headquarters upang matukoy kung sino ang walang awang pumatay kay Bautista.

Sabi ni Chua, tukoy na nila ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Bautista. Subalit, ayaw muna niya itong pangalanan upang hindi umano ito makapagtago.

“The victim is allegedly involved in an illicit affair. We now have a lead, but we can’t still reveal his identity because we are currently conducting a follow-up operation,” saad ng hepe ng Malabon Police, ayon sa artikulo ng Tempo.

[Ang biktima ay may kalaguyo umano. Tukoy na namin ang suspek, pero hindi pa namin siya maaaring pangalanan dahil patuloy pa ang aming follow-up sa kasong ito. ]

 

Source :

Tempo, Balita, Twitter