Negosyante, patay matapos salpukin ng humaharurot na sports car ang sinasakyang motorsiklo

Image from DNA

Isang negosyante ang namatay matapos salpukin ang kanyang sinasakyang motorsiklo ng isang sports car, na ayon sa mga saksi, ay tumatakbo ng napakabilis sa isang flyover sa Cebu City dakong alas-tres ng madaling-araw noong ika-4 ng Marso.

Kinilala ang biktima na si Philip Pogoy, isang 26-anyos na fish dealer. Tumilapon si Pogoy mula sa kanyang motorsiklo sa lakas ng pagkakabangga sa kanya. Isinugod siya sa ospital pero binawian rin ng buhay.

Ang suspek, na iniwan ang kanyang sports car at sumakay sa isa pang kasunod na sports car upang magpadala rin sa ospital, ay kinilalang si David Go Lim Sr, isa umanong aktibong car racer. Si Lim ay nakababatang kapatid ng negosyanteng si Peter Lim, na nauna nang napabalita matapos siyang idawit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drugs.

Ayon sa ulat ng Inquirer, nagtungo ang abogado ni Lim sa pulisya upang ipaabot ang mensahe ng kanyang kliyente na handa itong magbigay ng tulong-pinansyal at makipag-areglo sa pamilya ng biktima.