NPA umatake sa isang barangay sa Agusan del Norte, mga residente nagsilikas

Image from Wars in the World

Napilitang lumikas ang tinatayang 300 residente ng Barangay Hinimbangan, Kitcharao, Agusan del Norte nang paulanan ng mga rebeldeng komunista ang kanilang lugar noong Miyerkules, ika-15 ng Marso.

Ayon sa Brigada News, umatake ang New People’s Army (NPA) sa naturang lugar dahil sa presensiya ng mga sundalo na kabilang sa 29th Infantry Battalion na nagsasagawa doon ng development support and security operations na mas kilala sa tawag na Bayanihan Team Activities.

Sinabi ni 2nd Lt. Ashley Mae Del Rosario ng Civil Military Operations na ang pag-atake ay ikatlong paglusob na umano ng mga rebelde sa naturang lugar.

Kuwento pa ng ilang residente, napilitan na ang mga guro  sa paaralan doon na kanselahin ang klase dahil sa sunud-sunod na pag-atake at pangha-harass umano ng mga rebelde. Ilang bahay sa lugar ang pinaputukan din umano ng mga NPA.

Tiniyak naman ng militar at pulisya na muli nilang ibabalik ang peace and order sa naturang barangay.