Pacquiao, Tiniyak na Maipapasa ang ‘Death Penalty’ sa Senado; Drilon, Kumontra

File photosFile photos

“Ano nga ba talaga ang kapalaran ng death penalty sa Senado?”

Tiniyak ni Senador Manny Pacquiao na maipapasa ang death penalty sa Senado matapos itong makalusot sa Kamara; na taliwas naman sa pahayag ni Senate Minority leader Franklin Drilon.

Ani Pacquiao, malaki ang posibilidad na makalusot ito dahil limitado lamang ang krimen na saklaw ng death penalty, partikular na ang mga kasong may kinilaman sa ilegal na droga.

“Dito (Senado), mala­ki ang posibilidad na makalusot dahil sa drugs,” ani Pacquiao.

Alam ng marami na si Pacquiao ay isa sa mga pangunahing nagsusulong ng death penalty.

Ibinunyag din ni Pacquiao na nasa 14 hanggang 15 senador ang pabor na maipasa ang nasabing panukala; ngunit hindi niya binanggit ang mga pangalan ng mga ito, ayon sa ulat ng Abante Tonite.

Dagdag pa ni Pacquiao, dapat lamang na maipaliwanag ito nang husto sa mga senador upang ang mga ito ay makumbinsi.

“Proper explanation lang, we are not talking about individually, we are talking about the law of the land which is established by God. God ­giving the authority the right to use a capital punishment, they should understand that,” saad ni Pacquiao.

Iginiit naman si Drilon na wala pang linaw ang kahihinatnan ng death penalty sa Senado.

Ani Drilon, solido ang pagtutol ng mga senador ng Liberal Party (LP) sa pagbabalik ng death penalty.

“Nobody can predict what will happen in the Senate. The LP and its allies will take a position against the death penalty,” paliwanag ni Drilon.

Sinabi rin ni Drilon na maghahanap sila ng mabibigat na argumento na susuporta ng kanilang pagtutol sa nasabing panukala.

Sa inisyal na ulat ng Balitang DF, kumbinsido si retired Judge Joven Costales, ang tinaguriang ‘Judge Bitay’ na maibalik ang death penalty.

Hinamon din ni Costales ang mga tumututol sa pagbabalik ng death penalty, lalo na ang Simbahang Katoliko, Senador at mga Kongresista.