Pagbaril ng road rage suspect sa nurse na nakaalitan sa daan sa Cebu, nahulicam

Image capture of video by Superbalita Cebu Image capture of video by Superbalita Cebu

Sugatan ang isang 33-anyos na lalaking nurse nang pagbabarilin ng suspek na nakaalitan niya sa daan sa F. Sotto St., Barangay Kamputhaw sa Cebu City noong Linggo, ika-19 ng Marso.

Ayon kay Police Officer 3 Nicolo Gonzales, ang biktimang si Ephraim Nuñal ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang bukong-bukong at kaliwang hita matapos siyang barilin ng lalaking sakay ng Mercedes Benz na may plakang UNI 731.

Sa ulat ng Sun Star, base umano sa salaysay ng biktima ay binusinahan niya ang suspek na nagmamaneho ng Mercedes Benz dahil huminto iyon sa gitna ng kalsada. Bumaba umano ang suspek at sinipa ang sasakyan ni Nuñal.

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pamamaril. Kita sa kuha ng camera ang aktuwal na pamamaril ng suspek sa biktima.

Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng pamamaril ang dalawang basyo ng bala at isang live ammunition ng kalibre .22 na baril.