Pagtilapon ng tatlong sakay ng humaharurot na motorsiklo matapos sumalpok sa taxi, nahulicam

Image capture of video by GMA News Image capture of video by GMA News

Kita sa kuha ng closed-circuit television camera ang pagtilapon ng tatlong sakay ng humaharurot na motorsiklo matapos nitong salpukin ang isang papalikong taxi sa Parañaque madaling-araw noong Huwebes, ika-23 ng Marso.

Ayon sa GMA, naganap ang insidente sa Moonwalk, Parañaque dakong alas-dos ng madaling araw. Makikita sa video na malayo pa lang ay naka-signal na ang taxi na liliko sa kaliwa nang biglang sumulpot ang motorsiklo na napakabilis ng takbo at sumalpok sa harapang bahagi ng taxi.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay tumilapon ang tatlong sakay ng motorsiklo. Kitang tumama pa sa pader ng isang tindahan ang isa sa tatlo. Ayon sa rescue team na rumesponde, amoy alak ang mga ito. Wala ring suot na helmet ang tatlo.

Matinding pinsala umano ang sinapit ng dalawa at ang isa naman ay kasalukuyang comatose sa ospital. Aminado ang dalawa na nakainom sila ng alak.