Panelo: Demand ng European Parliament na palayain si De Lima, isang panghihimasok

Image capture of video by GMA News

Pinalagan ng Malacañang ang umano’y panghihimasok ng European Parliament (EP) sa domestic affairs ng Pilipinas.

Ayon sa GMA, sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo noong Biyernes, ika-17 ng Marso, na ang panawagan ng EP na palayain ang umano’y political prisoner na si Senadora Leila De Lima ay isang panghihimasok sa mga bagay na ginagawa ng bansa.

“Iyon ang maliwanag na foreign intrusion. Kagaya ng sinabi mo, wala silang pakialam dito sa ginagawa natin sa ating bansa,” sabi ni Atty. Panelo sa isang panayam.

Wala umanong karapatan ang EP na diktahan ang gobyerno kung ano ang gagawin sa isang may kasong kriminal. Hindi rin umano dapat na makialam ang EP sa judicial processes ng bansa.

Nilinaw rin ni Panelo na hindi isang political prisoner si Senadora De Lima. Isa umanong ordinaryong akusado na nakasuhan ng mga criminal cases ang mambabatas.